Isang linggo na lang at matatapos na ang taong 2011. Tamang-tama, wala akong pasok mamayang gabi. Ito na ang magandang pagkakataon para magbalik-tanaw sa mga nangyari sa akin sa kabuuuan ng 2011. Samahan ninyo ako sa aking pagbabalik-tanaw. Simulan na natin.
Enero:
Isang magandang panimula. Sa opisina na naman ako inabutan ng celebration ng New Year. Kasama ang karamihan ng aking mga kagrupo, unang araw ng 2011 ay nasa opisina kami. Hindi na rin masama. Libre ang aming Media Noche, pagkatapos pa ng shift namin sa bahay ng isang kasama sa trabaho naman ang agahan. At dahil hindi ako nakapaood ng "My Amnesia Girl" bago matapos ang taon, tamang-tama ang pag-uwi ko dahil nakakuha ako ng DVD copy ng nasabing pelikula, unang araw ng taon at napakaswerte ko na kaagad. Bago matapos naman ang buwan ay nakasama ako sa Team PEPI na umakyat sa Mt. Tagapo (mas kilala sa pangalang "Bundok ng Susong Dalaga"). Masaya ako dahil nakasama akong maka-akyat sa summit. Sa kabuuan ng buwan, walang nangyari na masasabing "highlight".
Pebrero:
Valentine month na naman. As usual, kapag ganyan ang usapan "hindi ako maka-relate". Matagal na panahon na din naman. Kaya lang wala talaga eh. Mabuti na lang, bago mag Valentine's Day ay nagyaya ang magpipinsan sa isang dinner (kami-kami lang, hindi kasama ang mga magulang namin), ang napili naming lugar ay SM Mall of Asia. Nakapaghapunan kami sa Cabalen. Madaling-araw na din kami nakauwi dahil nag-enjoy pa sa Uno Pizzeria. Wala din nangyari na maituturing "highlight" lalo na at hindi ako nakasama sa Team PEPI sa pag-akyat sa Mt. Marami.
Marso:
Isang "highlight" na event lang ang maituturing ko sa buwan na ito. Ito ay ang aming pagdalaw sa Anawangin Cove bago matapos ang buwan. Enjoy! Bagong experience na maitawid ng bangka papunta sa tinaguriang "Tent City", kahit hindi nakasama sa pag-akyat sa "cove" sinulit ko naman ang paglangoy sa beach. Isang magandang activity bago dumating ang aming bisita galing sa Rancho sa California.
Abril:
Ang buwan ng aking kaarawan. Tumawid hanggang buwan ng Abril ang pagbisita ng aming contact sa USA. Bago sila lumisan ng bansa, nakapaghapunan pa kami sa Gerry's Grill. Paglisan ng aming mga bisita, sinubukan kong sumali sa isang fun run. Ang aking unang fun run sa taong 2011 ay ang GMA Kapuso Fun Run. Nakadalaw din ako matapos ang mahabang panahon sa aking mga kaibigan sa San Pedro, Laguna para makita ang mga bagong miyembro ng Lebii Family. Sa araw ng aking kaarawan ako ay lubos na natuwa dahil binati ako ng aming mga contact sa USA. Napakasaya ko sa araw ng aking kaarawan. Naging mas makabuluhan pa ang aking "birthday month" dahil isa ako sa mga mapalad na nakasama sa Team PEPI para sa isang Climb for a Cause.
Mayo:
Ang aking pangalawang fun run - Run 4 Life. Masaya ito kasi madami akong na-realize. Ito rin ang buwan na tuloy-tuloy ang aming ensayo para sa darating na Sportsfest sa sumunod na buwan. Nakasama pa ako sa isang pick-up basketball game kasama ang isang bisita ng aming opisina. Puro basketball na ang nasa isip ko buong buwan at nagtuloy pa hanggang sa sumunod na dalawang buwan.
Hunyo:
Dumating na ang pinakahihintay na taunang Sportsfest ng aming kumpanya. Nakadalo ako sa opening day at nakalaro sa opening day games. Gaya ng nabanggit, puro basketball na ang laman ng utak ko. Okay na sana ang lahat, maganda ang naging unang laro ko hanggang may nangyari na hindi inaasahan sa sumunod na buwan.
Hulyo:
At nangnyari na nga! Bumalik ang aking problema sa tuhod. Matatapos na ang laro huling dalawang minuto na lang at kapag minamalas ka naman talaga, injured na naman. Ang buong akala ko ay hindi na ako makakabalik pero dahil sa determinasyon at pagmamahal sa laro, dalawang linggo lang ang kinailangan ko. Nakapaglaro pa ako sa huling tatlong laro ng aming koponan. Iba pala talaga kapag gusto mo ang isang tao o bagay, gagawin mo ang lahat para makuha ito, kahit masakit. Nagawa namin na maipanalo ang aming huling laro, nangyari ang mga ipinalangin namin at kami ang pumasok para sa battle for 3rd place. Naipanalo din namin ang aming laro para makasiguro ng 3rd place ngayong taon. Masaya ako dahil nakalaro pa din ako kahit hirap. Ganito talaga, MAHAL mo ang laro kaya kahit mahirap, kakayanin mo.
Agosto:
Natapos na din ang Sportsfest. Medyo maganda na ulit ang pakiramdam ng tuhod ko kaya naman ako ay naka-attend sa Closing Ceremony ng Sportsfest. Ito rin ang buwan na ako ay nakasama sa isang Tree Planting activity na ginanap sa Marikina Watershed Sabado ng umaga kasama ang aking mga katrabaho. Wala pang labindalawang oras, ako naman ay tumakbo Linggo ng umaga sa Bonifacio Global City para sa Run United 2.
Setyembre:
Tapos na ang basketball, kailangan ko naman na mag-rehab ng aking kaliwang tuhod. Puro gym muna ako kaya naman tuwing Linggo ng umaga ay may photoshoot kami bago matapos ag workout - nakabuo kami ng tatlong magkakaibang set ng mga feeling boxers, narito ang una, pangalawa at pangatlo. Ito rin ang buwan na kami ay dumalo sa isang salu-salo para ipagdiwang ang kaarawan ni "Yobs". Sinundan pa ito ng pagdalo sa isa pang salu-salo para naman ipagdiwang ang kaarawan ni Vanessa. Pareho silang mga kasamahan sa trabaho.
Oktubre:
Ito ang buwan na kung saan ako ay nagbalik na sa running. Unang Linggo ng nasabing buwan ay may training run kami dapat na dadaluhan na paghahanda para sa Nike We Run Manila 2011. Bago ito, umuwi pa ako sa Antipolo, unang Sabado ng Oktubre para dumalo sa binyag g anak ng isang kasama sa trabaho. Hindi bale, nakatakbo naman ako sa sumunod na Linggo para sa Octoberun. Pagkatapos tumakbo ay nanoond ng Johnny English: Reborn kasama si Kate. Pasok ang Martes pagkatapos ng aking Octoberun, balik-BGC na naman ako pero ngayon ay kasama naman ang aking mga ka-opisina par kunin ang aming race kits para sa Nike We Run Manila 10K at Adidas King of the Road 2011. Pagsapit ng Sabado, ito naman ang aming pagtakbo sa Nike We Run Manila 2011. Masaya ang takbong ito kahit na hindi namin nakuha ang finisher's kit. May concert naman ng ChicoSci, Sandwich at Parokya ni Edgar. Sumunod naman na Linggo ay ang aming pagtakbo sa Adidas King of the Road 2011. Ito rin ang araw na ako ay dumalo para mag-ninong sa isang binyag.
Nobyembre:
Hindi ko akalain na magagawa ko ito! Ang aking unang back to back na fun run. Unang Sabado ng nasabing buwan, isang night race ang aking sinalihan, kasama ang ilan sa mga kasama sa trabaho, kami ay tumakbo sa Energizer Night Race. Parang katulad lang nung tree planting activity noong Agosto, wala pang labindalawang oras, Linggo ng umaga, nasa kalsada na naman ako at tumatakbo para naman sa Chevrolet-New Balance Power Run 2011. Sumunod na Linggo, sa Run United 3 naman ako tumakbo. Pahinga ng isang Linggo dahil hindi ako sumali sa Run for Pasig River, sumunod na Sabado naman ay sa HSBC Fun Run naman ako tumakbo kasama ang ilang katrabaho. bago natapos ang buwan ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makanood sa unang beses ng 3D. Napanood ko ang Happy Feet 2 kasama ang aking mga katrabaho. Yun nga lang, ako ay late ng isang oras pero okay lang masaya naman.
Disyembre:
Ang unang linggo ng Disyembre ay ang pagdiriwang ng aming kumpanya ng Christmas Party. Bago ito, ako ay tinulungan ng aking mga kasama sa trabaho na makapamili ng aking isusuot para sa party. Pero bago ang lahat, unang Linggo din ng Disyembre, ako ay tumakbo muna sa 9th Animo! Run. Tuloy ang party kahit umuulan. Sumunod na Linggo, ako ay hindi nakadalo sa 35th National Milo Marathon Finals dahil sa naulanan ako noong nakaraang Linggo at nagkasakit, ako ay inubo, sinipon at nilagnat. Dumalo pa din ako para bigyan ng suporta ang aking mga kasama sa trabaho. Sumunod na Sabado ng hapon naman, kahit hindi pa fully recovered, ako ay tumakbo na ako para sa Don Henrico's Run Help Save a Life Today. At sa loob ng isang buwan, nasa isang back to back na naman ako. Wala pang labindalawang oras ayan na naman at nasa kalsada na naman ako para naman sa Run for Change 2. Ito ang nagsilbing huling running event ko para sa taong 2011.
Matatapos na ang taon, ilang araw na lang. Naging makuay ang taong 2011 para sa akin. Natuto ako na ngumiti, ngumiti ng madalas. Natuto din ako na mas maganda kung pipiliin ko na maging masaya. Ngayong taon, nakakita ako ng inspirasyon, inspirasyon para magawa ang mga bagay na hindi ko inisip na magagawa ko. Ngayon taon, naramdaman ko kung papaano maging masaya, ganito pala kapag may nagpapasaya sa iyo. Iba din ang pakiramdam kapag may napasaya kang tao, para sa akin, ang nagawa ko ay simpleng bagay lang pero noong nakita ko ang ngiti sa mukha niya, iba pala ang pakiramdam, masaya siya pero sa pakiramdam ko, mas masaya ako kaysa sa kanya dahil napasaya ko siya.
Natuto din ako na hindi dapat sa lahat ng oras tayo ay dapat nagbibigay ng ating komento lalo na kung hindi ito hinihingi. Mas mabuting tumahimik na lang kung wala ka din lang namang magandang sasabihin.
Ilang oras na lang at magpapasko na, Christmas wish? Sana ay magpatuloy ang aking pagiging masaya. Sana ay mas mapasaya ko pa ang mga taong nasa paligid ko. Sana ay makakuha ako ng inspirasyon para magawa ang mga bagay na sa tingin ko ay imposible. Sana magawa ko lahat ng gusto ko at makasama ko ang taong gusto ko.
Bagong taon ang papasok, bagong pag-asa ang darating. Sana ay maging maganda ang pasok ng taon sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment