Online Gamer, Basketball Player, Mountaineer, Recreational Runner, Blogger, Weekend Warrior
Powered By Blogger

Sunday, August 22, 2010

Fishball - ang streetfood na kinalakihan ko

Bata pa lang ako, maaga nang namulat ang aking muwang sa streetfoods, particularly sa fishballs. Naaalala ko pa nung mga Grade 1 or Grade 2 ako, pagkagaling sa school, inaabangan ko na sa harap ng bahay namin ang fishball vendor at ang kanyang mahiwagang kusina na noong mga panahon na 'yon (1991/1992) ay maliit na cart na gawa sa mga maninipis na plywood na pinagtagpi-tagpi at improvised na gulong na parang hindi mapupudpod.

Disclaimer: photo taken from pinoycook.net

Wala na akong mahanap na mas lumang pagsasalarawan ng isang "old-school" na fishball cart, ito na ang pinaka close match. . . So, balik sa topic noong bata pa ako, simple lang ang isang fishball cart at fishball lang talaga ang itinitinda nila. Ang isang karaniwang fishball cart noon ay naglalaman ng mga sumusunod:

portable na single burner na kalan (tuwang tuwa ako kapag nag - pump na si manong fishball vendor sa kanyang kalan, minsan nagrerequest pa ako na ako na lang ang mag - pump ng gas kapag humihina na ang apoy, minsan nga hindi na ako nagpapaalam basta pump na lang ng pump - ang ligalig ko 'noh?)
isang katamtamang laking kawali - dito na siyempre niluluto ang mga fishballs noong araw
isang maliit na lalagyan ng kawayan na stick na pantuhog sa mga lutong fishballs - kadalasan ay isang plastic na bote na hinati sa gitna para magmukhang baso (siyempre, dito pa lang ang tagal ko na kasi namimili pa ako ng astig na stick na pantuhog, gusto kasi noon yung makapal na stick - ang ligalig ko talaga)
mga garapon na dating lalagyan ng kape na kulay itim or orange ang takip - dito naman nakalagay ang sawsawan, matamis at maanghang lang noon, pero kung gusto mo naman, pwede mong paghaluin yung dalawa, sarap na sarap pa ang mga bumibili noon kasi sawsaw sa matamis sabay sasaw sa maanghang para daw "tamis-anghang"

Disclaimer: photo taken from http://blog-item.blogspot.com/

At dahil noong panahon na unang nagsipaglitawan ang mga vendors na ito, hindi pa uso ang mga lalagyan na tulad nitong makikita ninyo sa ibaba:

 
Disclaimer: photo taken from http://www.pinoyadobo.co.cc/category/panlasang-pinoy/page/5/

Kaya kung gusto mong bumili ng maramihan, it's either tatambay ka sa cart ng vendor at tutusok ng tutusok ng mga fishballs at pagkatapos mong kumain saka kayo magbibilangan ng vendor or oorder ka na kung ilan ang gusto mong ipaluto at maglalabas ka na lang ng mangkok galing sa inyong bahay, yan ay kung gusto mong hindi agad kainin ang fishballs mo. 

Disclaimer: photo taken from http://www.pinoyadobo.co.cc/category/panlasang-pinoy/page/5/

Alam mo na din na luto na ang fishballs kapag nagsimula na itong lumutang sa mantika. Yung iba gusto tustado ang fishballs nila kaya naman minsan sobrang brown na ng fisballs bago ito hanguin. Ang presyo ng isang piraso ng fishball noong una akong na-hook dito ay PhP 0.25, nagmahal na nga yan PhP 0.50 na pero mahigit isang dekada na ang lumipas nang nagtaas ng presyo nito kaya naman mabentang-mabenta pa din ito magpahanggang ngayon.

At dahil kailangan ng mga vendor na mag-adjust sa nagbabagong trend, unti-unting nadagdagan ang niluluto sa mga kawali nila. Una na diyan ang mga cocktail hotdogs na mabibili ng PhP 1.00 kada isang piraso, kikiam na maliit sa kaparehong halaga at ang mothership kikiam (mas malaki), na ibinebenta naman ng PhP 10.00 for 3 pieces. Sumunod din ang squid balls at chicken balls na mabibili ng PhP 2.00 kada isang piraso (kung medyo maalat ang trip mo, sa chicken balls ka na). Naaalala ko din noon na kaya ko gusto ng squidball or chicken ball ay dahil lumalaki ito pero pagkatapos mong hanguin at isawsaw sa sauce ay lumiliit dahil wala nang hangin (ang babaw ng kaligayahan ko noon!)

Nagkaroon na ng variation kaya naman lalong tinangkilik ang foodcart na ito. Makikita din sila sa mga simbahan lalo na kapag may misa sa umaga at hapon at siguradong sold-out ang mga paninda nila, ganun din sa mga schools (lalo ba kapag uwian time na), sosyal na yung makikita mo sa mga mall (100% or more na kasi ang patong sa price dahil sa mall mo na binili at kinain).

Dahil pang - masa, accessible ang streetfood na ito para sa lahat, may nakikita pa nga akong mga naka long-sleeves na nag-oopisina na nakikipagsiksikan sa isang fishball cart para makakain lang nito. Ako nga minsan naguuwi pa ng mga PhP 10.00 worth ng fishball nung nagbinata na ako at ito na minsan ang ginagawa ko na ulam sa kanin, after school, sarap kasi ng matamis na sauce.

Isa lang ang masasabi ko, naging mas masaya ang pagkabata ko dahil sa isang simpleng streetfood na ito at hanggang ngayon ay paminsan-minsan, tumutuhog pa din ako kapag may pagkakataon.

No comments:

Total Pageviews

About Me

My photo
Online Gamer, Basketball Player, Mountaineer, Recreational Runner, Blogger, Comedian, Weekend Warrior, part-time TriAthlete (Kain, Tulog, Gala)