Music Playlist at MixPod.com
November 7, 2010. Isang ordinaryong araw lang sana ang kaibahan nga lang, umaga hanggang hapon ay nasa WTC ako sa Pasay imbes na nasa gym at nagwowork-out. Kasi naman, ito ang weekend ng Level Up! Live na taun-taon ginaganap sa World Trade Center sa Pasay. Ang tema sa taon na ito - For Guild and Glory.
Ito na ang pangatlong sunod na taon ko na dadalo sa nasabing event at nasanay na at nakuntento na sa mga freebies. Noong 2008, kasama ko ang isa kong katrabaho, noong nakaraang taon naman, solo flight ako. Sa dalawang magkasunod na taon, may naiuuwi naman ako na kung ano-anong freebies at masaya dahil sa napapanood ko na CosPlay. Pero iba ang taon na ito - iba dahil, may kasama ulit ako, hindi isa, dahil dalawa sila! (sana nga mas madami kami next year), iba din dahil sa naiuwi ko. Pero ang hindi nagbago ay yung feeling na dapat may dala ako na sobrang pera kasi ang daming cute na items na pangregalo sa mga booth, kaya lang ang dala ko lang ay pamasahe balikan, pang entrance at pang kain lamang.
Asa na lang sa raffle at kung anong madadampot sa event site at freebies na iniaabot na lang kahit ayaw mo :p
Yung unang dalawang oras, nilibot namin ng nilibot yung buong lugar, nag try ng isang bagong game, nagtingin ng mga mabibiling kung ano-ano kahit walang bibilihin (nanglait pa minsan ng presyo - mahal daw!). Masaya na ako ng nakakuha ng cellphone charm pagkatapo ko na mag register sa isang bagong Online Game. Eto yun, ayos na din na maituturing, at least hindi na bokya ngayong taon. Kaya naman nasabi ko sa sarili ko, "At least meron na maaga pa lang, pag madami na kasi tao paunahan na".
Bago ko nakuha yan, and una naming dinaanan ay yung booth ng Slurpee (ahh... brainfreeze, woot! libreng advertisement) na produkto ng 7-11, dumaan sa booth ng PC Express at sa may gift shop booths. Ang dami kong nagustuhan na bilihin pero ang prblema, alam na ninyo. May mga stuffed toy na pwedeng iunan ko para pag natutulog ako sa trabaho (pag break ah!) o kaya naman ay pang regalo sa inaanak ko at iba pang small items para sa mga kasama ko sa trabaho.
Kinalaunan ay nakaramdam ako ng pagod kaya naman niyaya ko ang kasama ko na maupo naman at manood ng Championship Game sa malaking screen, sa mga oras na iyon ay KOS (online first-person shooter game na naka model sa sikat na larong Counter-Strike) ang laro at sa totoo lang ay hindi talaga ako interesado, kailangan ko lang na ipahinga ang mga paa ko. At natapos na nga ang Semi-Finals nagkaroon lang ng maikling break at bigla na lang kaming nagulat ng kasama ko. May mga pangalan na ipinapakita sa malaking screen - at hindi nga kami namamalikmata. Nanalo si JUNE REAL ng iPod Shuffle na 2GB. Sabi pa ng kasama ko hindi siya maaaring magkamali, kasi naman ang dali makita ng pangalan ko, wawalong letra lang daw kasi. At naging pormal na nga ang pagwawagi ko ng premyo dahil sa kabutihang palad ay sinabi ni Mr. Announcer ang aking pangalan at kung saan makukuha ang napanalunan.
Ang pakiramdam ko noong mga oras na iyon ay sobrang pinagpala. Gusto ko na mapanalunan talaga ay yung 420Gb na internal harddisk o di kaya ay yung Desktop PC na made for gaming para maituloy ko na ang naudlot kong ligaya sa FlyFF. Pero palagi ko nga naririnig sa church at sa mga napapanood ko na mga sermon sa TV - sa wikang ingles "God knows what is good for us" at biglang nag flashback sa akin ang mga alaala ko kapag nagwowork-out ako sa gym. Kasi naman, minsan hindi ko gusto yung mga pinapatugtog sa gym at kung yung cellphone ko naman ang gagamitin ko masyadong aalalahanin pa kasi bitbit ko (baka maiwan ko pa sa isang lugar sa gym) at wala akong mapapaglagyan kung hindi itali sa tali ng shorts ko na nakakailang minsan. Tapos nakakakita ako ng mga kasabayan ko na may iPod na nakakabit sa braso nila sa tulong ng isang strap. Sa madaling salita, pumasok din sa isip ko na kumuha ng MP3 Player sa CDR-King para lamang tuwing nasa gym ako ay mayroon akong sariling sound trip.
Pwes, hindi na ngayon. Dahil biniyayaan ako ni LORD ng MP3 Player, hindi ko na ito problema, ang problema ko na lang ay yung mga kantang ilalagay ko. At dahil malupit ang sukat nito at may kasamang clip, pwede ko na ngayon i-clip sa may balikat ko sa sando ko na suot o sa may dibdib ko (parang lalo ako tuloy ginanahan na mag gym, araw-arawin ko na kaya?). Nilutas ni LORD ang isa kong problema at binigyan niya ako ng isa pang problema (nabanggit sa nakaraang pangungusap) pero sino ako para magreklamo? Mabuting problema naman kasi ang ibinigay sa akin ni LORD eh. Mahirap din pala ang nananalo sa raflle ng hindi inaasahan, umuwi din pala ako kanina na sumasayaw habang naglalakad, wala akong pakielam sa mga tao sa paligid ko^^
At dahil nga may kasama ako na katrabaho sa event, minarapat ko na ipagkalat agad ang mabuting balita, naalala ko kasi ang isang kasabihan - "Mahirap magtago ng isang sikreto lalo na kung ang sikretong itinatago mo ay yung mismong bagay na gusto mong ipagsigawan sa buong mundo.", baka kasi maunahan pa ako na ipamahagi ang mabuting balita.
Ang pinaka huli - I dedicate this iPod sa isang kasama ko sa trabaho. Ikaw ang sinisisi ko kung kaya ako nanalo nito. Hindi ko na sasabihin kung ano ang pangalan mo dahil kung mabasa mo man ito, malalaman mo na ikaw nga ang tinutukoy ko. Isa lang ang masasabi ko sa iyo - Maraming Salamat! Kung hindi dahil sa words of wisdom mo ("You must have good intentions for your prayers to work."), hindi mo maisasaayos ang programming ng utak ko noong nakaraang linggo. Pinag-uusapan lang natin ang sinalihan ko na raffle para sa November 15 pero heto na, nanalo na ako (hindi nga lang ng DigiCam).
Oo nga pala, nilagyan ko na din ng isang kantang pamasko, kasi kanina feeling ko biglang nag-Pasko na eh.
No comments:
Post a Comment